Sa umaga ng Pasko sa taong 2007, isang batang lalaki ang nakaupong mag-isa sa isang kanto ng sangandaan. Pinagtagpi-tagping basahan lang ang kanyang suot at marungis siya. Ang isa sa kanyang mga binti ay buto’t balat, pilay. Isang munting saklay ang nasa sahig malapit sa kanya, sa abot-kamay.
Walang kagalaw-galaw ang bata, nakatungo hanggang abot na ng kanyang baba ang kanyang dibdib, nakalaylay ang kamay sa may tagiliran, bukas ang palad – ang tanging bahagi niyang buhay, may hinihingi.
Masyadong maaga para may dumaan at maglaglag ng barya sa nakaumang niyang kamay. Wala pa ang araw at mahirap makita ang bata sa malamlam na liwanag ng kumukuti-kutitap na mga palamuting pamasko. Ang dumaraan lang ay ang paminsan-minsang jeepney o tricycle.