ni Mary Gigi Constantino
(English version: The Last Migration)
Mas maginaw kaysa rati ang madaling araw at nasa hangin ang amoy ng ulan. Sumiksik si Marga sa kanyang sulok sa jeepney at hinatak ang pandong upang matakpan ang kanyang mukha. Sumandal siya at pumikit, sinusubukang ‘di makinig sa daldalan ng mga pasaherong kaharap. Nais niya sanang makaidlip bago pumasok sa trabaho pero napakaingay ng mga marites. Pinagtatalunan nila ang butanding sa palabas ng KMJS kagabi. Peke yun, pilit ng isa. Di alam ni Marga kung sinong papaniwalaan, at wala rin siyang pake.
Nangatal siya nang rumagasa ang hangin mula sa bintana. Harurot ang jeepney. Madalas ganito sila kapag walang gaanong tao o ibang sasakyan sa kalsada. Hindi pa sumisikat ang araw, at sira ang ilang ilaw ng mga poste. Unti-unti siyang nakaidlip. Nilunod ng ugong ng makina ang mga boses ng iba, hanggang parang mga lamok na lang sila sa kanyang tainga. Inaantok din ang tsuper, kaya naisipan niyang gisingin ang sarili at magpatugtog ng radyo nang napakalakas.
“PARO PARO G PARO PARO G—”
Punyeta.
Nakaupo siya sa likod ng driver at nasa uluhan niya ang speaker. Kumakalabog sa inaantok niyang utak ang tugtugin at mga kumukutitap na mga LED lights, na parang pinakamasahol—o pinakamagaling—na alarm clock sa mundo. Tumayo siya, kumapit sa mga hawakan sa itaas para ‘di matumba, at mabilis na lumipat sa upuang malapit sa estribo, pinakamalayo sa speaker at sa ibang pasahero.
***
“Marga, nasa lamesa mo na yung report ng city inspector tungkol sa animal sanctuary. Alam mo na gagawin diyan,” sabi sa kanya ni Ma’am Ivy.
Gusto niya sanang sabihin na may ginagawa pa siyang iba pero pagkalingon niya sa terminal ng bisor, nakita niyang abala pala ang babae sa pagpunan ng form para sa embahada ng Canada. Mula nang magsimulang magtrabaho si Marga rito, wala nang ginawa si Ma’am Ivy kundi ayusin ang mga papeles para sa nalalapit niyang pangingibang-bansa.
Binuksan ni Marga ang sobre at binasa ang mga papeles ng taga-suri. Sumunod sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura at dumi ang kanlungan. Hindi rin nag-iingay ang mga hayop o nagiging sanhi ng gulo. Wala pang nakakagat at wala ring mga sakit o pilay ang mga hayop. Malusog at malinis silang lahat. Hawak nila ang kailangang pahintulot—subalit, malapit na itong mawalan ng bisa. Sa madaling salita, walang butas na mahanap ang taga-suri.
Pakiramdam niya masusuka siya. Dahil lang bago siya rito, sa kanya na pinapagawa ang kagaguhang ito. Tanggihan niya raw ang pagbibigay ng panibagong pahintulot. Gawan niya raw ng paraan, dahil may malaking mamumuhunan na nais makuha ang lupa ng kanlungan para mapatayuan ng mall.
“Anong mangyayari sa mga hayop pag nawalan sila ng tirahan?” tanong niya nang ibigay sa kanya ang trabahong ito.
“Kukunin silang lahat ng pound,” sabi ni Ma’am Ivy.
“Ha? E ‘di ba puno na iyon?”
“‘Wag kang tanga. Alam mo naman nangyayari doon, ‘di ba? Hindi napupuno ang pound.”
Lunes na lunes, gusto na niya nang magbitiw sa puwesto.
***
Gusto niya munang magpalamig, kaya niyaya niya si Jhonel kung gusto nitong sumama at bumili ng taho. Tulad niya, baguhan rin ito sa trabaho. Mas bata pa ito sa kanya pero may sungay na. Tumatanggap ng lagay kaliwa’t kanan. Gagawin ang trabaho basta tama ang bayad. Walang pake kahit kanino. Kaya ito ang kinakausap niya pag kailangan niyang magbenta ng prinsipyo.
“Ate Marga yung mga non-profit na yan may kupit din yan— Sigurado ka bang nabubuhay nang maayos yung mga hayop pagkatapos ampunin?”
Yan ang mga sinabi nito noong naikuwento ni Marga ang pinapagawa sa kanya. Kung ano-ano pang paninira ang dinadaldal nito noon tungkol sa kanlungan, pero ngayong umaga, tahimik lang si Jhonel.
“Huy, ano ba yang pinapanood mo?” tanong ni Marga, habang nakapila sila sa taho.
“Hindi mo ba napanood kagabi? Sa KMJS? Ito o—”
Nasa helicopter si Jessica Soho at lumipad ang kanyang team patungo sa tuktok ng isang bundok. Mula sa malayo, parang nagdurugo ang bundok. May malaking sugat ang lupa. Ngunit sa malapitan, isa pala itong butanding na maga at bulok, pinagpipiyestahan ng mga ibon ang katawan nito.
Natagpuan raw ito ng ilang mamumundok. Umaakyat sila nang madaling-araw nang makita nila ang higanteng buntot na kumakawag sa gitna ng hamog. Naipit daw ang balyena sa gitna ng mga puno at bato. Nang marating nila ang ulo, napagtanto nilang buhay pa ito. Dilat ang mga mata at nasilaw pa sa kanilang mga headlamp. Sa sindak, nagpapapasag ito, nagpupumilit makawala. Nagtakbuhan ang mga mamumundok at baka matamaan pa sila ng mga bato. Nang bumalik sila maya-maya, patay na ito.
Inabot ni Jhonel sa kanya ang isang bagong cellphone.
“Tingnan mo ito, hindi lang yung butanding e. May nangyayaring kakaiba talaga,” sabi ni Jhonel habang umaakyat sila ng hagdan pabalik sa kanilang department. Tatambay pa sana sila sa labas, pero bumuhos na ang ulan.
“Baka dick pic yan!?” Sabi ni Marga, sinusubukang asarin ang katrabaho.
“Asa ka. Hindi noh.”
Isang satellite image ng space shuttle na sumabog noong nakaraang buwan ang pinapakita sa screen.
“Ah oo, alam ko ito. Nagkaroon ng tagas sa makina–”
“Hindi,” pinalaki ni Jhonel ang larawan at tinuro ang grupo ng mga tuldok sa gilid ng shuttle. “Sabi nila tagas daw. Pero hindi. Tingnan mo sa gilid, may mga ibon diyan.”
“Ano–wala naman–”
Iginuhit ni Jhonel ang mga tuldok at nakabuo ng malinaw na pormang “V”.
“Laro ng ilaw lang siguro yan o baka kalat lang. Imposibleng ibon yan. Walang ibon sa outer space.”
***
Parang dapit-hapon na ang tanghali dahil napakadilim ng langit. Walang tigil ang pagbuhos ng ulan. Sabi ng PAG-ASA habagat lang daw ito, pero mas mukhang Signal No. 3 ito. Hinihintay ng lahat ang pahayag na maaari nang magsara ang mga opisina ng gobyerno pagdating ng tanghali. Tinetext ni Marga ang pinsan niyang si Haki, na kasama niya sa nirerentahang apartment. Walang sagot pero hindi na siya nagulat gawa nang gabi nagtatrabaho si Haki at tulog ito buong araw.
Sumali si Marga sa kumupulan ng taong nagmamasid sa mga bintana at pinapanood ang pagtaas ng baha, masyado nang balisa para makapagtrabaho pa. Nanginginig ang mga salamin ng bintana dahil sa lakas ng hangin. May isang malaking puno ng aratilis sa bangketa, na halos mabunot na sa lupa at malapit nang bumagsak, parang boksingerong malapit nang matumba.
Animong humina saglit ang lakas ng hangin at sa ilang segundo’y nagkaroon ng katahimikan. Masuwerteng puno, isip ni Marga. Napansin niyang bumubula ang tubig-baha sa paligid nito, na parang may gumagalaw sa ilalim. Kumurap siya, sinisipat nang mabuti sa gitna ng mga patak ng ulan kung anong nangyayari. Lumapit siya pero lumabo ang salamin gawa ng kanyang hininga. Nang punasan niya ito gamit ang manggas ng kanyang jacket, nakita niyang bumangon mula sa baha ang mga ugat ng aratilis na parang daliri ng kalansay. Gumapang at lalong humaba na parang may inaabot na kung ano. Isang malakas na hangin ang muling tumama sa puno at mas maraming ugat ang nabunot mula sa lupa.
“Nakita mo yun!?” tanong niya sa katabi.
Napagtanto niyang pinanonood pala ng lahat ang isang babaeng lumulusong sa baha habang may pasan-pasang bata.
“Yung ano?”
“Buhawi!” sigaw ng isa nilang kasama.
Nag-aalimpuyo ang tubig baha, umiikot, pabilis nang pabilis, palaki nang palaki sa bawat segundo. Nilamon nito ang mga plastic, mga sigarilyo, mga dahon at kung ano pang lumapit dito. Umatras ang ilan mula sa bintana. Ang iba’y nagtakbuhan patungo sa hagdan. Ang iba naman ay nanatili sa puwesto, tulad ni Marga, na sinusubukan pa itong makuha sa video.
“Tingnan niyo! Meron pang dalawa!”
Mula sa malayo, animong mga pangil ang kambal na buhawi. Hindi malaman ni Marga kung anong gagawin. Ngayon lang siya nakakita ng ganito. Natataranta na ang lahat. May nagmungkahing bumaba raw silang lahat sa basement parking. Tumakbo ang mga tao at sumunod siya.
***
Hanggang bewang ang baha sa basement. Napagpasiyahan nilang magsiakyatan sa mga sasakyan—sira naman na lahat ito. May ilang nagtulungan para makaakyat sa bubong ng isang van. Inakyat ni Marga ang isang Montero. Nagsitunugan ang alarm ng ilang sasakyan, pero hindi na lang nila ito pinansin.
Ginaya niya ang karamihan na namaluktot at binalot ang mga braso sa kanilang ulo. May malakas na pagsabog sa labas at biglang nanginig ang sahig. Naririnig niyang may nawawasak na salamin. Nagsisigawan ang mga tao at akala ni Marga’y nabingi na siya dahil sa ingay. Hindi siya makahinga. Nang mawalan ng kuryente, naghiyawan ang mga tao at nanghingi ng tulong. Sa dilim, rinig na rinig nila ang palahaw ng hangin at ang agos ng baha.
Wag mong isipin. Wag mong isipin, payo ni Marga sa sarili. Wala ring silbi ito dahil nakita niya pa ang sariling nalalaglag sa Montero at nalulunod sa dilim.
“Paro paro g paro paro g paro paro g—” iyak niya, pilit ibinabalik ang sarili sa biyahe sa jeepney kaninang umaga. Nakita niya ang sariling naiinis sa malakas na musika at ibang pasahero—hindi natatakot na ganitong halos mawala na sa tamang pag-iisip. Hindi niya alam kung ito na ba ang katapusan niya. Dapat pala hindi na lang siya pumasok ngayon.
Hindi niya alam kung nababaliw na siya, pero may ibang ingay na sumasabay sa ugong ng hangin. May umaalulong at humihiyaw—isang koro ng mga aso’t pusa. May naririnig din siyang manok at kambing. Baka at baboy. Pumikit siya at nagtakip ng tainga, sinusubukang maging matatag, pinipigilang maloka.
Kumanta siya ng Paro Paro G hanggang sa mamaos siya.
***
Nagtagal sila ng ilang oras sa basement. Matagal nang tumigil ang bagyo at wala na silang marinig na ingay sa labas. May ilang nagbukas ng flashlight ng kanilang cellphone. Naaninag ni Marga na dahan-dahan silang bumababa sa mga sasakyan. Ginaya niya sila at bumaba na rin ng Montero. Bumaba na ang tubig baha sa kanilang bukung-bukong.
Wasak ang pader sa harap ng kanilang gusali. Puro bubog kung saan-saan, at nagkalat ang mga sirang office equipment. Maingat nilang inakyat ang hagdan at lumabas. Walang mobile signal sa basement, kaya ito na ang pagkakataon nilang makibalita.
Parang nasa gitna sila ng giyera. Nagiba na ang karamihan ng mga gusali na parang binomba. Nagsibagsakan ang mga poste at parang mga ahas ang mga kable sa kalye. Tanging liwanag ng buwan ang ilaw sa kalsada. Naglalakad ang mga tao na parang mga zombies, sinusubukang mahanap ang daan pauwi.
Binuksan ni Marga ang kanyang cellphone, pero wala siyang makuhang signal. Naglakad-lakad siya, umaasang may masagap kahit isang bar. Nakita niya si Jhonel na nakaupo sa isang malaking paso kung saan may nakatanim na puno ng niyog dati.
Tulala ito at hinihingal. May bakas ng dugo sa kanyang polo. Tumakbo siya palapit rito at tinapik ito sa balikat. “Huy!”
Parang hindi siya nito nakilala. Nakakunot ang noo nito at nakatingin lang sa mukha niya, sinusubukang maalala kung sino siya.
“Jhonel!? Okay ka lang? Ano ito bakit may dugo ka sa polo?”
Nang marinig nito ang kanyang pangalan, unti-unti itong nahimasmasan. “Ate Marga—saan ka nagpunta–”
“Sa basement—”
“–Lumipad silang lahat. Wala na lahat.”
“Anong lumipad?”
“Doon,” tinuro niya ang langit. “Pumunta sila sa mga bituin.”
Tumingala si Marga pero buwan at mga ulap lang ang kanyang nakita. Sinong sinasabi niya? Tumingin siya sa paligid, sinusubukang maghanap ng ibang mapagtatanungan.
“Saglit lang, Jhonel.”
Iniwan niya ito. May grupo ng kabataan malapit sa kanila na may pinapanood sa cellphone. Nakisiksik siya sa mga tao hanggang sa nakasingit siya sa harap at nakita kung ano ito. Malayo ang video mula sa pinagkukuhanan at medyo maalog ito, pero nakilala niya ang puno ng aratilis. Nabunot na ito nang tuluyan sa lupa, at inaabot ng mga ugat nito ang buhawi. Naririnig niyang nagmumura sa background ang taong kumukuha ng video.
“Nandoon ako sa eskinita kaya ko nakuhanan yan—” sabi ng binatilyong may hawak ng cellphone nang may magtanong sa kanya tungkol dito.
Kinaladkad ng buhawi ang puno, kasama ang iba pang halaman sa paligid. Napansin ni Marga na ang mga daga at ipis mula sa estero ay natangay din at naihagis sa mga ulap. Nang maubos na ang mga halaman at hayop, lumiit ang buhawi hanggang sa ito’y naglaho.
Pumaling ang video paitaas at naroon sila. Nasa langit ang mga nilalang at halaman, parang mga eroplanong lumilipad palayo—hanggang hindi na sila maabot ng mundo at ng mga gusali nito. Lumipad sila kasama ang mga ibon—at iba pang hayop. Nakita ni Marga ang mga aso at pusang galing sa kanlungan ng mga hayop na hinahabol ang mga ulap. May mga baboy, baka, kambing, tandang at manok na malamang ay mula sa mga kalapit na bukid. Kahit ahas at butiki, paru-paro at langgam at iba pang insekto ay naroon din. Nagulat siya na kahit mga nilalang ng dagat gaya ng mga balyena, pawikan, alimasag, pugita at hipon, koral at ibang mga isda ay lumilipad din. Lahat ng uri ng halaman at hayop, pumapailanlang. Para bang nasa karera ang lahat, nagmamadaling makapunta sa kung saan–sa isang di-malamang lugar.
Nang matapos ang video, nagtinginan silang lahat, nalilito.
Ano yun!? Anong nangyari? Gustong tanungin ni Marga, kahit alam niyang wala namang makasasagot nito.
Nagtext ulit siya sa kanyang pinsan pero wala pa rin siyang nakuhang sagot. Bumalik siya sa kinauupuan ni Jhonel, at tahimik silang nagmasid. Sari-saring haka-haka ang naririnig nila. May kinalaman raw ang gobyerno rito–pero sabi ng iba, ganito din raw ang nangyari sa ibang bansa. Meron namang nagbibiro, nauna pa raw ang mga baboy na makahanap ng ibang planetang titirhan. May iba namang nagtatawag para may kumilos, nag-uutos kung anong dapat gawin, sinong dapat tawagan, saan dapat pumunta. Lahat matalino, bawat isa may kanya-kanyang diskarte. Hindi alam ni Marga kung sinong pakikinggan.
Walang nakakaintindi sa nangyayari, pero lahat may sinasabi.
About the Author and Translator. Mary Gigi Constantino was a fellow at the UP ICW Amelia Lapeña-Bonifacio Writers Workshop for Speculative Fiction (2016). She finished the certificate program Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino from Polytechnic University of the Philippines last 2021. Her work has been included in speculative fiction anthologies like “Kathang Haka: The Big Book of Fake News” (2022, UST Publishing House) and “May tiktik sa bubong, May sigbin sa silong” (2017, Ateneo Press). Her story “Dumaan si Butiki” was published by Adarna House and was awarded as one of the Best Reads for Children for 2014-2015 by NBDB and PBBY. Her latest story, “Duyan Pababa Sa Bayan”, was published by Anvil in partnership with Room to Read.