Ang Mahiwagang Kahong Pamasko

Sa umaga ng Pasko sa taong 2007, isang batang lalaki ang nakaupong mag-isa sa isang kanto ng sangandaan. Pinagtagpi-tagping basahan lang ang kanyang suot at marungis siya. Ang isa sa kanyang mga binti ay buto’t balat, pilay. Isang munting saklay ang nasa sahig malapit sa kanya, sa abot-kamay.

Walang kagalaw-galaw ang bata, nakatungo hanggang abot na ng kanyang baba ang kanyang dibdib, nakalaylay ang kamay sa may tagiliran, bukas ang palad – ang tanging bahagi niyang buhay, may hinihingi.

Masyadong maaga para may dumaan at maglaglag ng barya sa nakaumang niyang kamay. Wala pa ang araw at mahirap makita ang bata sa malamlam na liwanag ng kumukuti-kutitap na mga palamuting pamasko. Ang dumaraan lang ay ang paminsan-minsang jeepney o tricycle.

Pero may isang matandang lalaki, magarbo ang suot, na gising na at naglalakad sa mga kalsada sa kakatwang oras na ito. Marahang tumutunog ang mga takong ng kanyang mamahaling mga sapatos habang mabagal siyang naglalakad patungo sa bata sa may sangandaan.

Napaungol ang matanda nang binaluktot ang kanyang mga tuhod, at tumalungko siya sa harap ng bata. Inangat ng bata ang kanyang mukha, kumukurap-kurap pa sa antok.

“Totoy,” bati ng matanda, “alam mo ba kung anong araw ngayon?”

Sagot ng bata, na garalgal pa ang paslit na boses mula sa pagkakatulog, “Pasko na, hindi po ba?”

“Tama. Paskong-pasko at mag-isa ka rito. Ang akala mo ba, kung mas maaga kang mamamalimos, mas marami kang kikitain?”

Nag-aalanganing tumango ang bata.

“Ganoon ba,” sabi ng matanda. “At ano ang gagawin mo sa pera?”

Inisip ng bata, wala namang mangyayaring masama kung hindi siya magsisinungaling. Kaya sinabi niyang, “Bibili ako ng mga regalo. Isa para sa bawat isa sa mga kaibigan ko.”
Nang marinig ng matanda ang sagot ng bata mukhang nasiyahan siya.
“Magandang sagot iyan,” puna niya. “At tapat! Mas mabuti ang ganoon.” Dumukot siya sa bulsa ng kanyang amerikana. “Dahil Pasko naman, dapat lahat ng tao may regalo. At alam mo ba, Totoy? Heto ang regalo mo.”

Kinuha ng matanda ang kamay ng bata at mariing naglagay ng isang bagay sa kanyang maliit na palad.

Sa pakiramdam ng bata, parang hindi laruan ito. Binuksan niya ang kanyang kamay at nakakita siya ng isang simpleng kahong gawa sa kahoy, na may isang hanay ng apat na numero sa isang gilid, at isang maliit na pihitan sa kabila. Nang hawakan ng bata ang isa sa mga numero, natuklasan niyang nakalimbag ang mga ito sa isang maliit na gulong, na maaari niyang ikut-ikutin ilang beses man niyang gusto. Ang mga numerong 0 hanggang 9 ay nakatatak sa bawat isa sa mga gulong.

Magic ito,” sabi ng matanda, may tuwang naglalaro sa mata. “Una, mamimili ka ng mga numero.” Ipinakita niya sa pamamagitan ng pag-ikot sa mga puting gulong na nasa gitna hanggang tumigil sila sa apat na mga numero: 1-9-2-5. “Sa pagtingin lang, masasabi mo ba sa akin kung ano ang ibig sabihin ng mga numerong ito?”

Tinitigan nang matagal at masusi ng bata ang mga puting gulong, pero sa dulo ay umiling din siya. “Mga taon sila,” sabi ng matanda. “Taon ang 1925. Kapag binago mo ang numero sa 2, 0, 0 at 7, makukuha mo ang taong ito – 2007. Simple, di ba?”
Simple ba? Hindi alam ng bata. Kakaunti lang ang nahawakan niyang laruan sa buhay niya, pero unang pagkakataon niya ito para makahawak ng isang laruang may kinalaman sa mga taon.
“Ano po’ng ginagawa nito?” tanong niya.

“Ah,” sabi ng matanda, “iyon ang magic!” Itinuro niya ang pihitan na nasa isang dulo ng kahon. “Kapag nakapili ka na ng isang taon, pumikit ka at ikutin mo ang pihitan na ito. Kailangang ikutin mo ito nang mabilis na mabilis. At dapat nakapikit ka dahil – wala lang! Pagkatapos, bibilang ka nang isa hanggang sampu, at titigil ka sa pag-ikot pagdating mo sa sampu. Pagkatapos – ”

“Pagkatapos po?”

“Madadala ka ng kahong ito sa Pasko ng taong iyon,” sabi ng matanda, na sa tinig niya ay mababakas na lubos ang tiwala sa sinasabi niya. “Mauulit-ulit mo ang araw na ito, sa ilan mang taong gusto mo.”

Tinitigan ng bata ang matanda. Tinitigan din siya ng matanda. Sigurado ang bata na hindi nasisiraan ang matanda, dahil nakakita na siya ng nasiraan at hindi iyon ganito. Hindi magara ang bihis ng nasiraan, hindi amoy shampoo at sabon, nagsasalita nang malinaw at bukas-puso ang ngiti na para bang walang dapat katakutan. Na para bang Pasko.

“Gusto mo ba ang regalo ko? Iyon lang ang kailangan mong sabihin, at sa iyo na ito.”

Sabi ng sentido komon ng bata’y Huwag na lang, pero may iba pang bagay sa loob niyang nagsabing walang masama sa pagtanggap ng isang bagay na sa mula’ sapul ay mukhang walang halaga.

Kaya’t tumango siya. Muling nagmukhang nasisiyahan ang matanda.

“Ngayon, kailangang tandaan mo ang ilang bagay,” sabi ng matanda. “Isa: sa araw ng Pasko lang siya gumagana. Maaari kang pumunta sa anumang taong gusto mo, pero may 24 oras ka lang para gamitin ito. Kung makakatulog ka bago matapos ang 24 oras na iyon, gigising ka sa taong ito. Kung hindi ka matutulog, walang magbabago; ang kailangan mo lang gawin ay kumurap, at magbabalik ka nang napakabilis. Hindi ka puwedeng magtagal kahit saan, kahit na gusto mo. Malinaw ba?”

Hindi po masyado, gustong sabihin ng bata. Tumango na lang din siya.

“Mabuti naman. Pangalawa: ang pinapalipas lang nito para sa iyo ay mga taon, hindi mga oras at hindi ang lugar. Kung nasaan ka, iyon lang ang lugar kung saan ka makakaatras o abante. Pero maaari kang gumalaw sa loob nito! Maaari kang maglakbay sa nakaraan dito sa Maynila, halimbawa, at sa hinaharap sa Davao City, kung lilipad ka roon bago ibahin ang mga numero at ikutin muli ang pihitan. Kung hindi mo alam kung saang lugar ka pupunta, maaaring matagpuan mo ang sarili mong lumalangoy sa tubig-dagat o nakabitin sa bangin! Huwag kang mag-alala – hanggang nasa iyo ang kahon, ligtas na ligtas ka.”
Lumalangoy sa tubig-dagat o nakabitin sa bangin?? Hindi yata maganda sa pandinig ng bata iyon.
“Pangatlo: sa anumang oras na gusto mong magbigay ng regalo, buksan mo lang ang kahon at naroon na ito. Kailangang isipin mo kung anong uring regalo ang gusto mong ibigay bago mo buksan ang kahon! Hindi kailangang manika o isang pares ng sapatos o pagkain – makakalikha ka ng mga pinakamagagandang regalo kung gagamitin mo ang imahinasyon mo. Pero sa oras na matapos na ang Pasko, mawawala na ang mga regalo mula sa kahon.

“Kailangang tandaan mo ang pang-apat: hindi mo kayang magdala pabalik ng kahit ano mula sa anumang panahon. At hindi ka rin makakapagdala ng anumang regalo mula sa panahong ito, patungo sa ibang panahon.
“At panlima: ang tanging paraan para maiwaglit ang regalong ito ay ibigay ito sa iba. Dapat na tanggapin ito ng pinagbigyan mo nito, tulad ng pagtanggap mo nito mula sa akin ngayon.”

Nagsimulang tumayo ang matanda.

Nagpumilit ding tumayo ang bata, pero nagmuwestra ang matanda na manatili siyang nakaupo.

“Hindi na kita aabalahin,” sabi ng matanda. “Siguro, gusto mo ng panahon para ma-enjoy ang regalo mo. Tutal – may hangganan ang dami ng mga Paskong mararanasan mo sa isang araw!”

Itinukod ng bata ang sarili patayo sa kanyang saklay. Habang ginagawa niya ito, tumalikod ang matanda at naglakad palayo, iniwan ang batang nakatayo sa may sangandaan nang hawak ang kahon sa kanyang kamay, nakatanaw sa butihing estranghero na bumabagtas sa daan patungo sa simbahan.

Paglaon, ang mga kulumpon ng taong inasahan ng bata ay dumating, at nag-iwan ng barya sa kanyang kamay sa kanilang daan patungo at palabas sa simbahan. Nagpasalamat ang bata sa lahat ng nag-iwan ng barya, pero ang kanyang mga mata, ang kanyang boses at ang kanyang isip ay nasa malayo.

Iniisip niya ang tungkol sa kahon na hawak niya sa kanyang kamay. Laruan nga ba talaga ito? Mukhang walang ibang nakakapansin dito. Dinaraan-daanan siya ng mga tao nang hindi man lang nagkukunwaring interesado sila sa maliit na kahong may pihitan at mga de-numerong gulong.

Inisip niya ang sinabi ng matanda. At inisip niyang, ano ba ang masama kung susubukan?

Tiningnan niya ang mga numero: 1925. Kinuha niya ang pihitan sa kanyang mga daliri at pinihit ito, pabilis nang pabilis, habang nagbibilang hanggang sampu. Napag-isip siya kung ano ang silbi ng pagkakaroon ng maraming Pasko sa isang araw para sa isang pilay at dukhang ulila.
***
Nang matapos siyang magbilang hanggang sampu, itinigil niya ang pag-ikot sa pihitan, at nagbukas ng mga mata.

…at tulad ng inasahan niya, naroon pa rin ang mga taong naglalakad patungo at palabas sa simbahan. Dumaraan sa harap niya ang mga lalaki, mga babae at mga bata nang hindi siya pinapansin, naghuhuntahan o simpleng naglalakad lang pabagtas sa umaga ng siyudad.

Iyon nga lang, may nagbago. Nag-iba na ang siyudad. Sa totoo lang, nag-iba na ang buong umaga. Sa pakiramdam ng bata, parang naging mas malamig, at iba ang simoy ng hangin… parang naging mas luntian.
Iba rin ang pakiramdam ng lupa sa ilalim ng kanyang mga paa. Nakatayo siya sa malapit sa gilid ng isang malapad na kalsadang hindi sementado na nasa gitna ng malawak na lupaing walang laman, na napaliligiran naman ng mga puno. Wala na ang pader na sinasandalan niya. Sa totoo lang, wala na ang marami sa mga bahay at mga gusali.
At ang lahat ng mga taong papunta at palabas sa simbahan ay nakabihis ng barong tagalog at baro’t saya. Isang de-kabayong karitela ang dumaan at kinailangan ng batang humakbang pabalik para magbigay-daan dito.

Hindi ito ang siyudad na naaalala niya. Biglang nanghilakbot ang bata nang matuklasan niyang wala siya sa isang lugar na kilala niya. Naibagsak niya ang kahon sa gulat, at saka lamang siya tiningnan ng mga tao.

Nang yumukod siya para pulutin ang kanyang laruan, narinig niya ang isang malaking boses ng lalaking tumatawag ng “Ano iyon? Ano’ng nangyayari riyan?” Lumingon siya para makitang may isang pamilyang naglalakad nang mabilis patungo sa kanya – isang lalaki, isang babaeng may dalang sanggol, isang binatilyo at isang batang babaeng kaedad niya. Lahat sila’y nakasuot ng magagarang makalumang mga damit – bukod sa batang babae, na nakatirintas ang buhok, at nakasuot ng busilak na puting damit-pangkomunyon. Lahat sila’y nakatingin sa kanyang nagtataka.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” magaspang na tanong ng lalaki sa Tagalog. “Namamalimos po,” sagot ng batang lalaki.
“Huwag kang magbiro,” pangaral ng babae. “Namamalimos, sa edad mong iyan? At sa kaumagahan ng Pasko pa! Para namang hindi Kristiyano ang mga magulang mo para iwan ka sa kalsada nang ganito, na halos walang suot…”
“Ano’ng pangalan mo?” tanong ng batang babae, na matapang na humakbang papalapit sa kanya.

Dahil walang mangyayari kung magsisinungaling siya, sumagot siya, “Totoy.”
“Totoy? Sino’ng Mama at Papa mo? Sa’n ka nakatira?”

Hindi niya alam kung paano sumagot ng iba pang mga tanong. Ang pananalita ng munting pamilyang iyon ay sobrang kakaiba (sino pa ang gumagamit ng ganoong uring Tagalog?) at masyadong mabilis ang mga pangyayari. Luminga-linga siya para sa anumang pamilyar na bagay – ang kanyang mga kapwa batang-kalye, isang pamilyar na stall na kainan, o maski isang pulis na hindi niya kasundo.

“Kawawa naman,” sabi ng binatilyo, “mukhang nalilito siya. Dapat dalhin natin siya sa municipio.”

Nagmungkahi ang babae na iuwi na lang nila si Totoy. Masyadong tuliro si Totoy para tumanggi. Kaya nang kunin ng batang babae ang saklay niya, hindi siya umiwas, at nang yumuko ang binatilyo para makasakay si Totoy sa likod niya, hindi siya tumanggi.

Habang ang pamilya ay naglalakakad pauwi sa bahay nila, gusto ni Totoy na humingi ng paumanhin dahil sa mantsa na iniiwan ng marumi niyang damit at balat sa puting damit-pansimba ng binatilyo. Pero parang balewala naman ito sa lahat, lalo na sa binatilyo.


Binigyan siya ng mga De la Cruz – ito ang pangalan ng pamilyang kumupkop sa kanya – ng pagkakataong makapaligo, binigyan siya ng malinis na damit, at isinalo siya sa Pamaskong almusal – mga natira sa noche buena nang nakaraang gabi. Iyon ang pinakamasarap na pagkaing natikman ni Totoy sa buong buhay niya.

Binigyan siya ni Sofia, ang maliit na batang de la Cruz na halos kasing-edad niya, ng isang maliit na Pamaskong parol na hugis-tala, na gawa sa maninipis na kawayang patpat at papel na may kulay. “Ako mismo ang gumawa niyan,” sabi nitong nagmamalaki. “Binigyan ko ng isa ang lahat ng mga kaibigan ko. Hindi napakaganda, pero sana’y magustuhan mo!” At talagang nagustuhan ni Totoy. Naisip niya, iyon na ang pinakamagandang parol na nakita niya.
Pero nakaramdam siya ng lungkot, dahil napakaraming ibinigay sa kanya, at wala siyang anumang maibibigay bilang ganti. Kaya tinanong niya si Sofia, “May gustong-gusto ka bang regalo para sa Paskong ito? Kahit na ano?”
Hindi nakasagot agad si Sofia. Nasa kanya na yata ang lahat na maaari niyang gustuhin para sa Pasko, sabi niya, pero may isang bagay siyang dati na niyang gusto.

“Ang paborito kong istorya,” sabi niya kay Totoy, “ay iyong tungkol sa emperador at sa ibong nightingale. Nasa aklat ng mga istorya ko iyon, nais mo bang makita?”
Inilabas ni Sofia ang kaisa-isang librong pag-aari niya: isang libro ng mga mga istoryang kababalaghan na maraming iginuhit na larawan. Sabi niya, ito ay isang librong sinulat at iginuhit ng isa niyang ale na mahilig magkuwento para sa kanya lamang. Binuksan ni Sofia ang aklat sa pahinang pinakamamahal niya, at ipinakita kay Totoy ang mga larawan.
“Ang emperador ay nagpagawa ng isang laruang ibon,” sabi niya, “para ipalit sa totoong ibon. Hindi magaling ang ginawa niyang iyon, pero talagang nagustuhan ko ang laruang ibon. Sana, magkaroon ako ng isa.” Napapabuntung-hininga niyang isinara ang libro. “Pero istorya lang iyon, sabi ng Mama ko. Kaya talagang imposibleng magkaroon ako.”
Sinabi sa kanya ni Totoy na maghintay sandali, at tumalikod si Totoy. Hinawakan niya ang mahiwagang kahon sa dalawang kamay. Pagkatapos, humiling siya, saka niya ito binuksan.

Bago nalaman ni Sofia ang nangyayari, may hawak nang maliit na laruan si Totoy. Kamukhang-kamukha iyon ng laruang ibon na nasa libro ng mga istorya. Gawa iyon sa mga diamante at mga ruby at mga sapphire… at maganda. O, napakaganda!

“Sige,” sabi ni Totoy kay Sofia. “Sa iyo na ito.”

Inabot ito ni Sofia. Sa sandaling nahawakan niya ito, ang ibon ay kumanta ng napakatamis nitong kanta.

“Paano nito nagagawa ito?” Tanong ni Sofia na halos hindi humihinga. “Saan nanggagaling ang boses nito?”
Nagkibit-balikat si Totoy at sinabi niyang hindi niya alam, pero natutuwa siya na nagustuhan iyon ni Sofia. Nagmamadaling nagsabi ng “Salamat!” si Sofia at tumakbong papasok sa bahay, para ipakita ang laruan niya sa pamilya.
Nagpasiya si Totoy na iyon na ang pinakamainam na sandali para bumalik sa sarili niyang panahon – bago lumabas ang mga de la Cruz at tanungin siya ng mga bagay na hindi niya masasagot. Isinaayos niya sa 2-0-0-7 ang mga gulong sa kahon, ipinikit ang mga mata, at inikot ang pihitan.
***

Natagpuan ni Totoy na nakabalik na siya sa sarili niyang panahon. Pero may isang bagay na nawawala. Saka niya naalala: hindi na niya hawak ang parol na ginawa ni Sofia para sa kanya. Tumigin siya sa paligid, pero talagang wala na ito.

Nakita niyang may isa pang bagay na nagbago sa bahaging iyon ng siyudad. May isang tindahan sa kalye na dati ay walang tindahan. “De la Cruz Vintage and Handmade Toys,” sabi ng karatula sa harapan.

Pumasok si Totoy sa tindahan. Isang batang babaeng kaedad niya ang bumati sa kanya sa loob. Kamukha siya ni Sofia, iba nga lamang ang damit at buhok, kaya si Totoy ay napahinto at napakurap.
“Ano iyon?” tanong ng batang babae.
“Narito ba si Sofia de la Cruz,” tanong ni Totoy sa kanya.

Kumunot-noo ang batang babae. “Walang Sofia rito. Ako si Anna. May gusto ka bang bilhin?” Parang hindi siya natutuwang makita si Totoy – marahil ay suot-pulubi si Totoy, kaya kahina-hinala? Naisip ni Totoy, sana, hindi nawala ang magarang damit na ipinahiram sa kanya ng mga De la Cruz nang bumalik siya sa kasalukuyan.
Hindi sumagot si Totoy. Tumingin siya sa paligid; may mga manikang gawa sa kahoy at plastik, mga mukhang antigong laruang sinususian tulad ng mga tren at mga kotseng napakatatanda na ng disenyo, na ipinagbibili sa napakatataas na halaga. Sinuman ang mga may-ari ng tindahan, kitang-kita na minamahalaga nila ang mga laruan.
“Inay!” tawag ni Anna sa nasa likod ng counter ng tindahan. “May batang lalaki rito na naghahanap kay Sofia de la Cruz.”

“Sofia de la Cruz? Ang lola mo iyon,” sagot ng tinawag. Isang magandang babae ang lumabas at pumunta sa harapan ng tindahan. Sa likod niya, bago nagsara ang kurtina, natanaw ni Totoy ang loob ng bahay: isang maayos at marangyang tahanan ng isang taong hindi kailangang kumita ng masyadong maraming pera. May nasulyapan siyang maliit pero puno ng dekorasyon na Christmas tree.

Binati ng babae si Totoy nang nakangiti. “Maligayang Pasko! Ano ang maitutulong namin sa iyo?”
Noong una, hindi alam ni Totoy kung paano sasagot. Pero naglakas-loob siya at sinabing, “Nakita ko po ang ‘de la Cruz’ sa harap ng tindahan, kaya naalala ko ang kaibigan kong si Sofia. Totoo po ba na may kamag-anak din kayong ang pangalan ay Sofia?”
“A, oo,” sabi ng babae. “Si Sofia de la Cruz ang nanay ko. Siya ang may gawa ng karamihan sa mga laruang nakikita mo rito. Ang ang unang nagbukas ng tindahang ito ay ang nakatatanda niyang kapatid, nang makita niyang may kakayahan si Sofia na gumawa ng mga bagay-bagay.” Napabuntunghininga ang babae. “Noong araw, malaki ang kita namin… gumagawa noon si Mama ng mga laruang gumagalaw, noong bihirang-bihira ang mga mga laruang gumagalaw. Ngayon, karaniwan na lang ang mga ito.”

“Nagkaroon po ba kailanman si Sofia ng isang laruang ibon na gumagalaw,” tanong ni Totoy, “na gawa sa mga mamahaling alahas at kumakanta na parang tunay na ibon?”

Nabigla ang babae. “Aba, oo,” sagot niya, “Kuwento sa akin ni Mama na noong maliit pa siya, isang batang lalaki na nanlilimos sa daan ang minsang nagbigay sa kanya ng isang laruang tulad noon bilang regalong Pamasko. Ipinakita pa nga niya sa lahat ng tagarito. Pero nawala rin iyon nang sumunod na araw. Akala niya, parusa iyon ng Diyos, dahil binutingting niya iyon para makita kung paano iyon gumagana.” Napailing ang babae at napangiti nang malungkot. “Buong buhay niya, nagsikap siyang makagawa ng isa pang tulad noon, kahit na yari lamang sa bakal at salamin, pero hindi niya kailanman ito nagawa.”
“Paano mo nalaman ang tungkol sa Lola ko?” sabi ni Anna, pero hindi pinansin ni Totoy ang tanong.
“Parang,” sabi niya sa batang babae, “may gusto akong ibigay sa iyo.” Tumalikod siya, gumawa ng isang kahilingan, at humarap sa kanyang mahiwagang kahon.

Nagulat siya nang makita niya na ang kahon ay parang lumaki nang bahagya – tamang laki lang para pagkasyahan ng regalong iniisip niya. Ipinasok niya ang kamay sa kahon at inilabas ang isang hugis-talang parol na gawa sa kawayan at papel na may kulay. Ito ay kamukhang-kamukha ng parol na ibinigay sa kanya ni Sofia. “Heto,” sabi niya, at iniabot ang parol kay Anna. “Napansin kong wala kayong parol sa harap ng tindahan. Gusto kong ibigay sa iyo ito.”
“Ang bait mo naman,” sabi ng babae kay Totoy habang tinatanggap ng anak niya ang regalo. “Ikaw ba mismo ang gumawa niyan?”
Hindi gusto ni Totoy na magtagal pa para sa iba pang mga katanungan. Sinabi niyang “Merry Christmas,” at tumalikod siya para umalis na. Pero ayaw siyang paalisin ng babae nang walang anumang dala. May idiniin siyang limampung pisong papel sa palad ni Totoy.

“Heto,” sabi niya nito na may magandang ngiti. “Manatili kang mabait na bata, ha?” Nakatitig lamang sa kanya si Anna nang umalis siya ng tindahan.

Ibinili ni Totoy ang limampung piso ng mga regalo para sa mga kaibigan niya. Nagkaroon sila ng masaganang handaan ng puto, kanin, isaw at softdrinks. Akala niya ay iyon na ang pinakamasayang Pasko niya.
***
Pero siyempre, hindi iyon ang totoo.

Ang pinakamasayang Pasko ni Totoy ay nangyari sa Maynila noong 2118, nang may makilala siyang doktor na gumamot sa pilay niyang paa nang walang bayad, dahil Pasko noon.

Sa loob ng isang araw, si Totoy ay nagtatakbo at nagsasayaw at tumawa, tulad ng sinumang bata na may dalawang walang pinsalang mga paa. Ang lahat ng masalubong niya ay binati niya ng ngiti at indak. Lahat ng nakakita sa kanya ay nahawa sa kanyang nag-umaapaw na galak. Nakapagpaganda ng pakiramdam na makakita ng isang batang ganoon kasaya.

Pero nang magising si Totoy kinabukasan, sa 2010, katabi na naman niya ang kanyang saklay, at hindi na siya makatakbo o makapagsayaw o makalundag o makaindak. Umiyak si Totoy, pero ang luha niya ay luha ng saya, dahil naaalala pa niya kung paano magkaroon ng dalawang walang pinsalang mga paa, at hindi niya iyon malilimutan.

Habang lumalaki si Totoy, nagpasko siya sa iba’t ibang mga panahon, sa iba’t ibang mga lugar. Naunawaan niya na ang Pasko ay maaaring hindi laging masaya para sa lahat ng tao, pero laging may mga paraan para gawin itong masaya. Nasa kanya ang mahiwagang kahon, may imahinasyon siya; ang mga ito ay higit pa sa sapat.

Minsan, noong 1965, ang kinuha niya sa kahon ay isang kantang Pamasko na mga bata ang kumanta, na naging dahilan para ang isang matandang maramot ay mapaluha sa galak. Dahil iyon ay mga boses ng sarili niyang mga anak, na pinalayas niya noong matagal nang panahon… at nang marinig niya ang kantang iyon, naalala niya ang mas masasayang mga araw na lumipas, noong hindi pa siya mayaman at hindi pa siya takot na mawalan ng napakaraming mga bagay.

Noong 2348, hindi na kinailangan man lamang ni Totoy ang kahon; nakipag-usap siya sa mga banyagang taga-ibang planeta tungkol sa maraming mga Paskong nasaksihan niya, at ang mga ito ay taimtim na nakinig. At nang umuwi sila sa kanilang mga planetang tahanan, sinikap nilang itanghal ang maraming iba’t ibang mga kaugaliang narinig nila mula kay Totoy; ang mistletoe sa mga pintuan, ang Christmas tree sa mga silid kung saan nila pinatutuloy ang mga bisita, ang pamimigay ng mga regalo at ang mga mensahe ng kapayapaan at kagandahang-loob. Iyon ang naging regalo ni Totoy sa mga bisita mula sa ibang planeta, na naghahanap sa kahulugan sa likod ng pinakamahahalagang mga okasyon sa ating daigdig.

At sa sarili niyang panahon, si Totoy ay lumaki. Sa pagitan ng mga Pasko, patuloy pa rin siyang naghihirap bilang isang ordinaryong bata na may isang pilay na paa at walang silbing lumang kahon na kaisa-isang pinahahalagahang ari-arian – pero ang lahat ng natutuhan ninya sa bawat Pasko ay nanatili sa kanya sa buong buhay niya.

Natutuhan niya, halimbawa, na ang mga tao ay mabubuti at mapagbigay, kahit na minsan sa isang taon lamang nila ito ipinakikita. At natutuhan niya na ang pagtanggap sa isang regalo ay mas hindi nalilimot kaysa sa regalo mismo.
Alam niya, ang ilang mga regalo ay hindi nagtatagal, pero ang pinakamaiinam na mga regalo ay galing sa imahinasyon – ang ganoong mga regalo ay maaaring magpabago sa mundo at hindi malilimutan magpakailanman.
***

Isang araw, ang malaki nang si Totoy, na ngayon ay isa nang doktor na nagroronda sa ospital, ay pumasok sa isang partikular na silid ng pagamutan. Isang napakatandang lalaki ang nakahiga sa nag-iisang kama roon, napapaligiran ng kanyang pamilya at mga kaibigan, kaya’t puno ang silid. Laging may alingawngaw ng tawanan at masayang kwentuhan ang silid na iyon, kaya naakit ang atensiyon ni Totoy.
Nang makaalis na ang mga bisita, bago siya umuwi para makasama ng kanyang pamilya sa bisperas ng Pasko, ipinasiya ni Totoy na dalawin ang matandang lalaki sa silid. Nagulat siya nang makitang kilala niya ang pasyente.

“Kayo pala,” sabi ni Totoy. Napatawa ang matanda, “Ikaw rin, ikaw pala,” sabi niya sa mahinang tinig.

“Akala ko po’y hindi na tayo magkikita uli,” sabi ni Totoy. “Matanda na kasi kayo noon…”

“Ang buhay ay puno ng mga sorpresa,” sabi ng matanda. Nang mahabol niya ang kanyang hininga, itinanong niya, “Nasa iyo pa ba ang mahiwagang kahon?”

Umiling si Totoy. “May ilang taon na po nang ibigay ko iyon sa isang batang babaeng nakakilala ko sa Hong Kong. Mas kailangan po niya iyon.”

“Ah.” Napatango nang marahan ang matanda, “mabuti ngang ibigyan iyon sa mga bata. Mas mahaba ang kanilang panahon.”

“Hindi ko po alam kung makikita ko pa siyang muli,” amin ni Totoy. “Pero baka po doon ako tumira pag nagretiro ako. Gusto ko pong malaman kung nabigyan siya noon ng mabuting buhay.”

“Gugustuhin ko ring malaman,” sabi ng matanda. “Kaya ako nanatili rito.” Hinawakan ni Totoy ang kamay ng matanda.

“Kailangan ko pong itanong ito,” sabi ni Totoy. “Ano po sana ang nangyari kung hindi ko iyon ipinamigay? Paano po kung kinailangan ko iyon sa buong buhay ko?”

“Ako, kinailangan ko,” sagot ng matanda “Pero ginawa iyon para ipamigay. Iyon kasi ay regalo. At iyon ang ginagawa sa mga regalo.”

Napangiti si Totoy. “Dapat ko po kayong pagpahingahin,” sabi niya. At bumaling siya para umalis na, pero hindi binitiwan ng matanda ang kamay niya.
“Sabihin mo sa akin,” hiling niya, “maligaya ka ba?”
Sagot ni Totoy, “Opo. Napangasawa ko po ang isang babaeng ang pangalan ay Anna. Gumagawa siya ng nasususiang mga laruan na gustong-gusto ng mga bata. Ngayon, nakakapaglakbay ako sa buong mundo, kahit pilay ang isang paa ko, at nakakatulong ako sa ibang tao. Utang ko po sa inyo ang lahat.”
Napabuntunghininga ang matanda, mahaba at masayang-malungkot na buntunghininga.

“Iyon lang kailanman ang gusto ko para sa Pasko,” sabi niyang nakangiti, at napatid na ang kanyang hininga.

Binitiwan ni Totoy ang kamay ng matanda. Oras na para tawagin ang nurse. At pagkaraan niyang tahimik na ibigay ang huling paggalang, panahon na para siya ay umuwi sa kanyang tahanan para sa noche buena.


Si M.R.R. Arcega ay: Nagtapos sa UP Diliman sa 1998 sa kursong Journalism; nagsusulat ng mga kuwento, mga sanaysay at mga lathalain sa Tagalog at Inggles; nanalo ng ikalawang puwesto sa Dulang Pampelikula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2001; isang UP National Writing Fellow noong 1997; mahilig maggitara at magsayang ng oras sa Facebook; mahilig ding magbasa ng science fiction at fantasy, o basta kahit ano; sa kasalukuyan ay isang full-time na negosyante at tagapagsaling-wika.

Ang ilustrasyon para sa “Ang Mahiwagang Kahong Pamasko” ay gawa ni Alex Sandoval.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *